Nasa halos 50 mga pulis sa Bamban, Tarlac ang sinibak sa puwesto ng liderato ng Philippine National Police sa gitna ng ikinakasang imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators hub sa naturang lugar.
Kasunod ito ng paglalabas ng preventive suspension order ng Office of the Ombudsman laban kay Bamban, Tarlac City Mayor Alice Guo, at dalawa pang mga opisyal ng kanilang lokal na pamahalaan nang hanggang sa anim na buwan.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCOL. Jean Fajardo, ang naturang mga pulis ay nagmula sa Regional Mobile Force Battalion 3, gayundin sa iba pang mga police stations.
Dahil dito ay pansamantala munang inilipat sa personnel holding and account unit ang mga nasibak na pulis at pawang nakatakdang sumailalim sa kaukulang reformation Program.
Kung maaalala, una rito ay naghain na rin ng graft complaints ang Department of the Interior and Local Government laban kay Guo nang dahil kaniya umanong pagkakasangkot sa sinalakay na POGO sa Bamban, Tarlac.