-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang halos 50 mga estudyante sa Ma-ao Elementary School sa Bago City, Negros Occidental makaraang mahilo sa inihanda sa kanilang Christmas party kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa principal ng paaralan na si Roberto Angay, 49 mga estudyante sa Grade 1 ang dinala sa Bago City Hospital makaraang sumama ang pakiramdam at nagsuka.

Ayon sa principal, pinaniniwalaang dahil sa spaghetti na kinain ng mga estudyante ang sanhi ng food poisoning.

Kaagad namang kumuha ng sample ng spaghetti ang Bago City Health Office upang masailalim sa laboratory test at inaasahang lalabas ang resulta nito ngayong araw.

Tiniyak naman ng may-ari ng catering service na magbibigay ito ng tulong pinansyal sa mga estudyante na nahilo.

Ayon kay Jesel Alba, ito ang unang pagkakataon na may nabiktima ng food poisoning sa kanilang mga kliyente.

Nabatid na nagbayad ang mga estudyante ng tig-P100 para sa spaghetti, fried chicken at kanin.

Kagabi, nakalabas na sa pagamutan ang Grade 1 pupils matapos mabigyan ng lunas.