Aalamin umano ng Senado ang profile ng mga napalayang bilanggo ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa ipinatutupad na good conduct time allowance.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, nagtataka siya na sa kabila ng mahigpit na paglaban ng Duterte administration sa pagkalat ng iligal na droga, 48 sa mga nakalabas ng bilangguan ay sangkot pala sa drug cases.
Nabatid na halos 2,000 na ang nakalaya mula sa target na 11,000 inmates.
Naungkat lamang ito nang umani ng matinding pagtutol ang naka-schedule sanang release ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na isang convicted rapist at murderer.
Si Sanchez ang itinuturong utak sa panghahalay at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pambubugbog at pagpatay naman kay Allan Gomez.
Maliban dito, natuklasan ding apat na Chinese drug lords ang nakalabas na sa national penitentiary at hawak na ng Bureau of Immigration (BI) para i-deport sa pinanggalingang bansa ng mga ito.