-- Advertisements --

Nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang halos kalahating milyong katao sa hilagang bahagi ng Gaza Strip na naging sentro ng bakbakan sa pagitan ng Israel at Hamas base sa report mula sa United Nations.

Subalit sa isang news conference, sinabi ni Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), spokesman Stephane Dujarric na kumikilos ang na-displace na mga Palestino mula sa norte patungong timog na bahagi ng Gaza bagamat sa kakaunting bilang lamang.

Sa datos nitong Biyernes, Enero 31, nasa 8,500 katao ang tumawid mula sa northern areas ng Gaza patungong timog na bahagi.

Pinaigting naman ng UN at humanitarian partners ang kanilang pagtugon sa monitoring points kabilang ang first aid at psychological support para sa most vulnerable gaya ng mga bata, kababaihan at matatanda.

Maliban dito, pinalawig din ng UN ang aid operations nito sa northern Gaza.

Sa pagbisita naman ng humanitarian team sa 2 lugar sa South Remal at Tel el Hawa na karatig lugar sa Gaza city, idinaing ng mga tao doon ang kanilang mga agarang pangangailangan tulad ng tubig, mga kitchen supply, kumot at mga kagamitang panlinis.

Matatandaan na naging epektibo ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas noong Enero 19 na nagbigay daan sa pagbabalik ng mga na-dsiplace na Palestino sa northern Gaza. Nagpatigil din ang ceasefire deal sa mahigit isang taong giyera na kumitil at nagpa-displace sa libu-libong katao.