-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Aabot na sa halos 500,000 ang mga turistang bumisita sa Isla ng Boracay sa unang kwarter ng 2024 ayon sa Malay Tourism Office (MT0).

Sa datos ng tanggapan, umabot sa 137,800 ang foreign tourists na pumunta sa isla mula Enero hanggang Marso 26.

Samantala 354,189 naman ang naitalang local tourists at 7,131 ang overseas Filipino workers (OFW) sa nasabing period.

Sa kabilang daku, simula noong Marso 25 hanggang ngayong Linggo ng Pagkabuhay ay tuluy-tuloy ang ginagawang ‘Project Pristine Semana Santa Clean-up Drive’ upang maipakita na sa kabila ng pagdagsa ng mga turista ay nananatiling malinis ang buong isla at bayan ng Malay.

Noong Biyernes Santo, maraming mga mananampalataya ang nakibahagi sa pitong kilometrong prusisyun na nagsimula sa Brgy. Manoc-Manoc at nagtapos sa Brgy. Balabag.

Samantala, ipinasiguro ni Coast Guard Ensign Eulogio Quinto III, Deputy Station Commander for Administration ng PCG-Aklan na mahigpit na pagbabantay pa rin ang ipinatutupad ng kanilang mga tauhan lalo na sa beach front at Caticlan jetty port dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga turista ngayong Semana Santa.

Ayon sa kanya, daan-daang turista ang dumayo sa dalampasigan simula nitong Huwebes Santo hanggang ngayong umaga ng linggo o Pasko ng Pagkabuhay.

Nakahanda aniya ang kanilang grupo na sumaklolo sa sakaling magkaroon ng insidente gayundin ang pag-alalay sa mga mag-uuwiang mga bakasyunista.

Kaugnay nito, nanawagan din ang PCG sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang maging ligtas ang paggunita ng Mahal na Araw.

Nauna dito, sinabi ng MTO na inaasahang aabot sa 50,000 hanggang 60,000 ang tourist arrival sa Boracay ngayong Holy Week.