GENERAL SANTOS CITY – Patuloy ang pagdagsa ng mga investors sa Alabel Municipal Police Station upang magsampa ng pormal na reklamo laban sa Kahayag Investment scam.
Nasa halos 500 investors ang nagbabasakali na maibabalik pa ang kanilang pera kung saan nasa mahigit P200 Million umano ang kabuuang in-invest ng mga ito.
Ito’y kasunod ng paglayas na di umano ng mga tagapamahala ng naturang investment dala ang milyong-milyong pesos na halaga ng pera.
Karamihan sa mga investors ay mga ordinaryong mamamayan ng probinsya kung saan umaming hindi pa sila nakakabawi sa kanilang ipinuhunan.
Nalaman na 30% ang alok na daily interest at 40% naman kung i-lo-lock-in ang pera.
Ayon sa isang investors na si Alyas Jun, ilang araw bago ang pagsirado ng investment, nagkaroon umano ng delay sa ‘pay out’ dahil ang matatanggap na pera ay siyang malilikom mula sa mga bag-ong magpay-in.
Muling pinaalalahan ni Provincial Administrator Atty. Ryan Jay Ramos ng Sarangani Province ang mamamayan ng probinsya na huwag tumangkilik sa anumang uri ng investment.
Aniya, naging leksyon sana ang nangyari noon na panloloko ng KAPA at iba pang investment upang hindi na muling mabiktima.