-- Advertisements --

Halos 50,000 kabahayan sa New Zealand, naputulan ng kuryente kasunod ng matinding hagupit ng Bagyong Gabrielle; PM Chris Hipkins, kasama sa na-stranded

Isinailalim na sa state of emergency ang siyam na mga rehiyon sa New Zealand dahil sa lakas ng bagyong Gabrielle.

Ayon kay Bombo International Correspondent Tess Peeters, international correspondent sa Auckland, New Zealand, 46,000 na mga bahay ang nawalan ng suplay nga kuryente at kanselado rin ang higit 500 flights sa bansa.

Maging si Prime Minister Chris Hipkins ay kasama sa na-stranded sa northern city kahapon matapos kinansela ang flights sa capital na Wellington.

Sa Auckland mismo o ang pinakamalaking syudad sa New Zealand, una nang inabisuhan ang mga residente na mag-evacuate dahil maaaring mag-collapse ang century-old steel framed towers.

Una nang sinabi ng emergency management minister na kinokonsidera ng gobyerno ang pagdeklara ng national state of emergency na kung mangyayari ay pangatlo pa lamang sa kasaysayan ng bansa.

Sa ngayon, nasa 200 km ang distansya ng bagyo sa northeast ng Auckland at maaaring lumapit pa sa east coast sa susunod na 24 oras.