Aminado ang Manila International Airport Authority (MIAA) na malaki ang nabawas na pasahero sa international at domestic flights dahil na rin ng patuloy na banta ng COVID-19.
Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni MIAA general manager Ed Monreal, batay sa kanilang record, mula Enero 25 hanggang Pebrero 17 ngayong taon, sa kasagsagan ng pagkalat ng COVID-19, bumagsak sa 16 percent ang nawalang pasahero sa international flights.
Ayon kay Monreal, katumbas ito ng 300,000 mga pasaherong kabawasan sa mga biyahe habang tatlong porsyento naman o katumbas ng 50,000 pasahero ang nabawas sa domestic flights.
Sa kabila nito, inihayag ni Monreal na nakakakita na sila ng indikasyon ng pagbawi o pagbangon ng airline companies mula nang tanggalin na ang travel ban sa Taiwan habang kahapon ay pinayagan na ring makabalik sa Hong Kong at Macau ang mga overseas Filipino workers (OFWs).