-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Education (DepEd) ang paglobo ng bilang ng mga estudyanteng naapektuhan mula noong pumutok ang bulkang Kanlaon.

Ayon sa DepEd, mayroon nang 49,577 estudyante mula sa 88 eskwelahan sa Negros Islands ang apektado.

Ayon pa sa ahensiya, ang mga ito ay sumasailalim sa alternative delivery modes (ADM) ng pagtuturo kung saan 31,935 estudyante ang dinala sa School Divisions ng Negros Occidental habang 17,642 estudyante naman ang nasa ilalim ng La Carlota City SDO.

Ang ADM ay isang paraan ng paghatid ng edukasyon sa mga estudyante na hindi makapag-access sa tradition schooling.

Ayon sa DepEd, kailangang maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga kabataan sa kabila ng tuluyang pagpapalikas sa kanila mula sa kanilang mga tahanan patungo sa mga evacuation center.

Sa pamamagitan ng alternative delivery mode, nagagawa umanong maturuan ang mga estudyante at naipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral.

Kapwa nasa ilalim ng state of calamity ang Negros Oriental at Negros Occidental kung saan libu-libong residente mula sa dalawang probinsya ang inilikas na mula noong muling pumutok ang bulkan noong Disyembre 2024.