Umabot na sa 545 pamilya o katumbas ng 1,575 katao ang inilikas sa probinsya ng Batanes kasunod ng pananalasa ng bagyong Leon.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Batanes, marami sa mga inilikas ay nasiraan ng mga bahay habang ang iba ay inabutan ng baha dahil sa walang-humpay na ulan.
Mula sa naturang bilang, 196 pamilya na binubuo ng 628 katao ay dinala sa mga evacuation center.
Ang nalalabing 346 pamilya na binubuo ng 947 katao ay pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak.
Samantala, ilang mga national road sa probinsya ng Batanes ang hindi rin madaanan dahil sa mga serye ng pagbaha at pagguho ng lupa. Ang ilan sa mga ito ay mula sa mga bayan ng Basco, Uyugan, at Ivana.
Ayon naman kay Batanes Gov. Marilou Cayco, agad ding sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang clearing operations kaninang hapon (Oct. 31) matapos bahagyang bumuti ang lagay ng panahon sa naturang probinsya.