CEBU – Halos umabot ng 60,000 mga international arrivals kada linggo ang naitala ng Mactan Cebu International Airport kaugnay ng holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Lieutenant Melissa Tampus, ang operations officer ng MCIA police, sinabi nito na simula Setyembre nitong taon ay unti-unti ng dumagsa ang mga pasahero sa nasabing paliparan.
Ayon kay Tampus na inaasahan na nila ang pagbulusok ng mga pasahero dahil na rin sa ‘long holiday season’, kaya naman ay may mga security adjustments na silang isinagawa.
Maliban sa Pasko at Bagong Taon ay pinaghandaan na rin nila ang pag-doble ng bilang ng mga pasahero sa darating na Sinulog 2023 kung saan maraming mga domestic at international passengers ang darating sa Cebu.
Gayunpaman, nilinaw ni PLt. Tampus na mula Setyembre hanggang ngayon ay tanging pag-overshoot ng eroplano ng Korean Air lang noong buwan ng Oktubre ang kanilang naitalang insidente sa MCIA.