Nasa 56 na kaso ng paglabag sa karapatang-pantao laban sa mga pulis ang naitala ng Philippine National Police-Human Rights Affairs office (PNP-HRAO).
Batay sa datos ng HRAO, kabilang rito ang mga kaso ng homicide, arbitrary detention at unlawful arrest.
Ayon kay PNP-HRAO director C/Supt. Dennis Siervo, mas mababa pa rin naman ito sa 105 na kaso na naitala nila noong 2016 at nasa 231 na kaso noong 2015.
Umaasa naman ang PNP na hindi na ito madadagdagan pa.
Dahil dito, puspusan ang pagsasagawa ng HRAO ng lecture sa mga regional office ng PNP sa buong bansa patungkol sa karapatang-pantao.
Ito’y upang ipaalala sa mga pulis ang karapatan ng bawat isa at maiwasan na masangkot ang mga ito sa mga kaso ng human rights violation sa harap na rin ng muling pagsabak ng PNP sa war on drugs.
Inihayag ni Siervo na kanilang inuuna ang mga regional office na nakapagtala ng mataas na kaso gaya ng Region 1 na mayroong 16 na kaso na sinundan ng Region 7 na may 10 kaso, at siyam na kaso sa National Capital Region.