Umabot na sa halos 60,000 na mga pasahero sa araw araw ang dumating sa bansa ngayong kapaskuhan.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang bilang na ito ay nagmamarka ng pagtaas mula sa 51,000 arrivals sa mga international airport ng bansa na naitala noong simula ng Disyembre.
Noong December 1, nakapagtala ang BI ng 51,390 arrivals sa lahat ng international airports sa bansa.
Mahigit 85 porsiyento ng mga pasaherong ito ang dumating sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport.
Napansin din ng BI ang 31,408 departures sa bansa.
Dagdag dito, pinayuhan ni Immigration Chief Norman Tansingco ang mga darating na Pilipino na gumamit ng e-gates para sa mas mabilis na pagproseso ng immigration at pinaalalahanan ang mga pasahero na magparehistro sa etravel.gov.ph nang hindi bababa sa 72 oras bago pumasok o umalis ng bansa.
Sa ngayon, mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay ng mga awtoridad sa paliparan upang matiyak ang maayos na paglalakbay ng mga biyahero.