Nangangamba ang National Union of People’s Lawyer NCR o NUPL na aabot sa halos 64,000 jeepneys ang maaaring mawalan ng prangkisa sa buong bansa kasabay ng pagpapatupad ng PUV Modernization Program bago matapos ang taon.
Ayon sa NUPL, mabibigyan lamang ng prangkisa ang mga jeepney driver kung sila ay mapapasailalim sa cooperative. Ito ang mariing tinututulan ng mga transport group gaya ng PISTON. Nilalabag daw kasi nito ang constitutional right nilang freedom of association.
Para sa PISTON, kapag binigay nila sa isang kooperatiba ang kanilang mga prangkisa ay para anilang ibinigay na rin nila ang kontrol ng kanilang hanap-buhay. Dagdag pa nila, ito ay maaaring mag-resulta sa pagkakaroon ng monopolyo ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa grupo, mas mainam na bigyang-pansin ng gobyerno ang pagpapalakas ng industrial capacity ng bansa sa pamamagitan ng paggawa ng sarili nitong transport vehicle o jeepney na makatutulong pa sa pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Sa ganitong paraan anila ay magkakaroon ng sariling produkto ang bansa na maibebenta sa mas murang halaga.
Una na rito, nagtungo ang PISTON kasama ang co-counsel na NUPL sa Korte Suprema para maghain ng temporary restraining order at preliminary injunction laban sa Department of Transportation at LTFRB.
Sa huli, sinabi ng NUPL na hindi magiging matagumpay ang modernisasyon ng public transportation kung iniiwan nito ang mga drayber, operator, at komyuter.