-- Advertisements --

Halos pito sa 10 Pilipino ang naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto ng nararanasang krisis dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Nobyembre, lumalabas na 69% ng mga respondents ang nagsabing “the worst is behind us” sa global health crisis, na mas mataas pa kumpara sa 47% na naitala naman noong Setyembre.

Habang 31% naman ang naniniwala na mas lalala pa raw ang pandemya.

Marami sa mga naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto sa COVID-19 crisis ay nasa Metro Manila na nasa 78%, na sinundan ng Balance Luzon na may 69%, Visayas 67%, at Mindanao 65%.

Mahigit sa 1,500 adult respondents ang lumahok sa survey na ginawa sa pamamagitan ng face-to-face interview.

Ang naturang survey ay isinagawa bago ang pagsirit ng COVID-19 cases matapos ang holiday season at ang pagkakapasok sa bansa ng mas nakahahawang UK variant.