-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang halos 70 mga army guerrilla ng New People’s Army (NPA) matapos na boluntaryong sumuko sa Anti-Terror Task Force Central sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Anhouvic Atilano, spokesperson ng 6th Infantry Division (6ID) Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Atilano, bitbit ng nasabing mga rebelde ang halos 40 mga matataas na kalibre ng baril at mga eksplosibo.

Sa tulong umano ng mga local officials at pakikipagtulungan ng mga ito sa Inter-Agency Regional Peace and Order Council at Anti-Terror Task Force Central, nahikayat ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan upang makapamuhay nang payapa.

Karamihan sa mga sumukong rebelde ay nagpahayag na nahihirapan na sila sa pakikipaglaban sa mga sundalo at pagod na sa kabundukan.

Una rito, idineklara ng Regional Peace and Order Council sa Rehiyon 12 na mga persona non grata ang mga local terrorist group kasama na ang NPA.