Nawalan ng trabaho ang aabot sa 700 overseas Filipino workers (OFW) sa New Zeland matapos maapektuhan ng biglaang pagsasara ng kompaniyang kanilang pinagtratrabahuan ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Kaugnay nito, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac na nagtutulungan na ang kanilang tanggapan at Department of Foreign Affairs para matulungang mabigyan ng financial aid ang mga Pilipinong manggagawa na nadisplace mula sa kompaniyang ELE Group na inilarawan ng New Zealand immigration bilang large skilled labour hire agency sa sektor ng construction at manufacturing.
Sa nakalipas na Christmas holidays, una ng napaulat ang pagsasara ng naturang kompaniya na nag-iwan ng mahigit 1000 katao na nawalan ng trabaho kung saan kalahati ng apektadong staff ay migrant workers.
Aabot naman sa 452 OFWs ang humiling na ng tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas ayon kay DMW OIC Cacdac.
Samantala, ilang mga employers naman ang nakipag-uganyan na sa Philippine labor attaché sa capital city ng Wellington ang nagpahayag ng interes na mag-hire ng mga OFW.
Sa isang statement naman umapela si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa DMW at DFA na tiyaking makukuha on time ng OFWs ang kanilang back pay at benepisyo.
Dapat din aniyang pigilang maulit ang nangyari sa mahigit 10,000 OFWs sa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho noong 2015 matapos malugi ang construction firms na kanilang pinagtratrabahuan.