Iniulat ng Department of Health (DOH) na apektado ang halos 700 residente sa lalawigan ng Batangas dahil sa volcanic smog dulot ng mga aktibidad ng Bulkang Taal.
Lumalabas sa data ng DOH sa nakalipas na mga araw ang mga apektadong residente ay mula sa Agoncillo, Alitagtag, Balete, Balayan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lipa, Nasugbu, San Jose, San Pascual, Sta. Teresita, Tanauan, Taysan, Tuy, at Batangas City.
Karamihan sa mga kaso ay naitala sa Balete na mayroong 208 na apektadong residente, sinundan ng San Pascual na mayroong 135 kaso at Agoncillo na may 76 na kaso.
Mayroon ding 3 katao na naospital dahil sa vog kung saan ang isa ay mula sa Lian habang ang isa naman ay mula sa bayan ng Tuy.
Tiniyak naman ng DOH kasama ang regional offices nito sa Calabarzon at Mimaropa ang pagbibigay ng logistic at medical assistance sa mga apektadong lugar.
Paalala pa rin ng DOH sa publiko na huwag lumabas hangga’t maaari upang maiwasan ang mga posibleng epekto ng matagal na pagkakalantad sa sulfur dioxide.
Kung kailangan talagang lumabas ng bahay, pinapayuhan ang publiko na magsuot ng N95 face mask bilang pinakamahusay na hakbang upang malimitahan ang paglanghap ng sulfur dioxide at iba pang mga volcanic debris.