Nagbigay ng $234 million ang Japanese government sa European Union upang gamitin sa pagde-develop ng coronavirus vaccine.
Bilyon-bilyong dolyar naman ang ibinahagi ng iba pang world leaders sa isinagawang fundraising event ng EU.
Ang mga nalikom na pera ng EU ay ipapadala sa Coalition for Epidemic Preparedness (CEPI) at iba pang grupo.
Ayon sa ibinahaging datos ng EU, nasa 70 vaccines na ang dine-develop sa buong mundo ngunit ilan pa lamang sa mga ito ang sumailalim na sa clinical trials.
Sa unang araw pa lang ng naturang fundraising event ay nakalikom na ang EU ng halos $8 billion mula sa 30 bansa. Kasama na rito ang Japan, Canada at Saudi Arabia.
Labis naman ang pasasalamat ni European Commission President Ursula von der Leyen dahil sa pakikiisa ng mga bansa.
Nagsisimula pa lamang aniya ang pakikipaglaban ng buong mundo kontra COVID-19.