-- Advertisements --

Naniniwala si Quad Comm lead Chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang paglagda ng 215 kongresista, na nadagdagan pa ng 25, sa impeachment complaint ni Vice President Sara Duterte ay isa umanong napakalakas at malinaw na mandato mula taumbayan.

Sinabi ni Barbers na halos 80 porsyento ng Kamara ang pumirma sa impeachment, higit sa 3/4 ng buong Malaking Kapulungan.

Ayon sa mambabatas ito ay hindi lamang mayorya, kundi isang super majority o higit pa sa requirement ng Konstitusyon na one-third ng mga miyembro ng Kamara upang maidirekta sa Senado ang reklamo at hindi na kailanganin pang dumaan sa House Committee on Justice.

Paliwanag ni Barbers na ang malaking bilang ng mga lumagda ay katunayan na ito ay hindi pamumulitika, kundi lehitimong pagganap sa tungkulin ng mga mambabatas. 

Ang Kongreso ay hindi nagdedesisyon para sa sarili lamang.

Ang mga Kongresista ay inihalal upang maging tinig ng ating mga kababayan at sa pamamagitan ng napakaraming pumirma sa impeachment, malinaw na ang taumbayan mismo ang may nais na ituloy ito.

Iginiit pan ni Barbers na sa oras na naisampa ang impeachment complaint, tungkulin ng Kongreso na ito ay aksyunan, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon.

Ipinunto pa ni Barbers na ito ay isa sa pinakamalakas na impeachment complaints sa kasaysayan, kung saan ang mga lumagda na ay mula sa iba’t ibang political party—patunay na hindi ito isyung pampartido, kundi isang pananagutang dapat gampanan.

Dahil ang impeachment complaint ay nakakalap ng lagpas pa sa kinakailangang boto, binigyang-diin ni Barbers na ang proseso ay nagkaroon na ng sariling buhay at hindi na maaaring pigilan.

Pinabulaanan naman ni Barbers na may namuwersa sa mga mambabatas sa Kamara para suportahan ang reklamo.

Dahil naipasa na sa Senado ang impeachment, hinimok ni Barbers ang mga senador na kilalanin ang matibay na mandato mula sa Mababang Kapulungan at tiyaking maipagpapatuloy ang proseso nang patas at walang abala.

Tiniyak ni Barbers sa publiko na bagaman patuloy na tutuparin ng Kongreso ang mga tungkulin sa paggawa ng batas, sisiguraduhin din nilang mananatiling patas at hindi mapupulitika ang proseso ng impeachment.