KORONADAL CITY- Nananatili pa rin sa Tinago Grande Elementary School at Barangay Gym ang halos 80 pamilya na naapektuhan ng landslide sa Sitio Lamfugon, Barangay Tinago, Norala, South Cotabato noong Setyembre 19,2023.
Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni Mayor Clemente Fedoc matapos ang nangyaring pagguho ng lupa kung saan isang mag-uuling ang natabunan ng lupa at hindi pa narekober hanggang sa ngayon.
Kinumpirma din ni Mayor Fedoc na mayroon naitalang mga nagkakasakit na mga bata sa nasabing evacuation center dala na rin ng masamang panahon at mahirap na sitwasyon.
Ito ay dahil hindi sila maaaring makabalik sa kanilang mga tahanan dahil sa posibilidad na pagguho pa ng lupa sakaling bumuhos muli ang malakas na ulan.
Ayon kasi sa assessment ng MGB-12 delikado para sa mga residente sa lugar matapos makataan ng malalaking bitak at mas mabuting ilipat o e-relocate ang mga ito sa mas ligtas na lugar.
Kung maalala, umabot sa daan-daang mga residente ang apektado ng kalamidad sa nabanggit na lugar dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan dala ng ITCZ.
Hindi na nga narekober ang bangkay ni Flory Sakin, 37-anyos na natabunan ng lupa sa nangyaring landslide.
Sa ngayon, patuloy naman ang panawagan ng alkalde sa mga may mabuting kalooban para magbigay ng tulong sa mga apektadong residente.