-- Advertisements --

Nasa 765 na iba’t ibang uri ng armas ang nakumpiska ng Police Regional Office (PRO)-4A Calabarzon, kabilang ang nasa 1,765 na mga ammunition.

Nakumpiska ang mga nasabing armas at bala simula nang ipatupad ang gunban ng Commission on Elections na nagsimula noong Abril 14 at magtatapos sa darating na Mayo 21.

Ayon kay Calabarzon PNP director C/Supt. Guillermo Eleazar, hindi umano lahat ng armas ay kanilang nakumpiska sa checkpoint o sa operasyon kundi tinurn over ng ilang mga kandidato, negosyante at iba pa para sa safe keeping dahil sa umiiral na gun ban kaugnay ng nalalapit nang halalang pambarangay.

Paliwanag ng heneral, mula Abril 14 hanggang Mayo 5, nasa kabuuang 127 na mga armas, 22 bladed weapons, tatlong replica, dalawang granada at 1,073 na mga assorted ammunitions ang kanilang nakuha.

Nasa 150 naman na mga katao ang naaresto kung saan dalawa rito ay miyembro ng PNP, isang barangay chairman, isang security guard habang ang iba ay mga sibilyan.

Aniya, ang pagkakumpiska ng nabanggit na mga armas at mga bala ay resulta umano ng pinalakas na checkpoint operations police patrol/response, buy bust, “Oplan Sita,” pagpapatupad ng search warrant, internal security at iba pang mga police operations.