May kabuuang 796 na benepisyaryo sa Metro Manila ang nakatanggap ng mahigit P8.5 milyong halaga ng tulong pinansyal at pangkabuhayan sa pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo ng pagkakatatag ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa datos ng DOLE, kasama sa halaga ang P3.05 milyon para sa suweldo ng 500 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) emergency employment workers mula sa iba’t ibang barangay sa Maynila.
Naglaan din ng budget na P1.098-million para sa sahod ng 150 Government Internship Program interns na nakatalaga sa iba’t ibang ahensya.
Halagang P3.69 milyon naman para sa 123 benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program.
Samantala, walong Pilipino mula sa Lebanon na nag-avail ng voluntary repatriation at 15 katao na PDL ay nakatanggap ng P240,000 at P450,000 na halaga ng livelihood packages.
Ginawaran ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma at mga opisyal ng pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna, ang livelihood packages sa Manila Science High School, na kasabay ng job fair kung saan mahigit 13,000 trabaho ang inaalok ng naturang departamento.
Ang mga bansang patutunguhan ng trabaho sa ibang bansa ay ang Canada, Croatia, Germany, Slovakia, Slovenia, Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, Qatar, Japan, Malaysia, Brunei Darussalam at United States.