-- Advertisements --

Lumundag pa sa halos 800 ang panibagong bilang ng mga kaso ng pagkamatay sa Italy bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob lamang ng isang araw.

Sa pinakahuling datos, nasa kabuuang 793 ang naitalang patay dahil sa COVID-19, dahilan para umakyat sa 4,825 ang death toll sa Italy.

Ito ay may pagtaas na 19.6%, na pinakamalaki mula nang kumalat ang sakit noong nakalipas na buwan.

Kamakailan lamang nang madaig na ng Italy ang China bilang bansang pinakamaraming namamatay bunsod ng nakakahawang virus.

Sa kabila nito, pumalo na sa 6,072 ang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19, mas mataas kumpara sa 5,129 na nailista kahapon.

Nananatili namang nasa kritikal na sitwasyon ang rehiyon ng Lombardy, na siyang pinakatinamaang rehiyon ng Italya, kung saan tumalon pa sa 3,095 ang bilang ng mga patay, at 25,515 kumpirmadong kaso. (CNA/ Reuters)