Umabot na sa 88.7% ng 2024 budget ng Pilipinas ang nailabas hanggang sa pagtatapos ng Mayo, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Batay sa datus ng ahensiya, umabot na sa P5.11 trillion ang nailabas at kasalukuyang nagagamit sa iba’t ibang sektor.
Pinakamalaking porsyento ng nailabas na 2024 budget ay napunta sa mga ahensiya ng gobiyerno na may kabuuang P3.42 trillion. Kinabibilangan ito ng mga government agencies sa ilalim ng executive branch, Kongreso, hudikatura, at iba pang constitutional office.
Umabot naman sa P258.43 billion ang nailabas na sa ilalim ng special purpose funds (SPF). Ang SPF ay alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act na nakalaan para sa mga socio-economic purpose sa ilalim ng mga government corporations, LGU, kasama na ang contingent fund, national disaster risk reduction and management fund, pension, atbpa.
Samantala, umabot naman sa P1.33 trillion ang nailabas para sa automatic appropriations, o mga programa na taunang pinaglalaanan ng pondo sa ilalim ng batas. Kinabibilangan ito ng retirement at life insurance premium requirements, national tax allotment, block grant, atbpa.
Sa kasalukuyan, mayroon na lamang P633.08 billion na hindi pa nailalabas mula sa P5.77 trillion na budget ng bansa ngayong 2024.