Aabot sa halos 8,000 na mga paaralan sa buong bansa ang nagpatupad ng alternative delivery mode classes nang dahil sa nararanasang matinding init ng panahon ngayon.
Sa ulat ng Department of Education, nasa kabuuang 7,949 na mga eskwelahan mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ang nagpatupad ng alternative delivery mode kung saan karamihan sa mga ito ay nagmula sa Western Visayas.
Sa datos ng ahensya, aabot sa 466 na mga paaralan ang nagpatupad ng ADM sa Ilocos Region; 443 sa Cagayan Valley; 1,285 sa Central Luzon; 275 sa Calabarzon; 462 sa MIMAROPA; 1,203 sa Bicol Region; 1,595 sa Western Visayas; 482 sa Central Visayas; 72 sa Easter Visayas; 647 sa Zamboanga Peninsula; 108 sa Northern Mindanao; 28 sa Davao Region; 366 sa Soccksargen; isa sa Caraga; 261 sa CAR; at 255 sa NCR.
Matatandaan na una nang binigyan ng otoridad ng DepEd ang mga school heads na magsuspinde ng klase kung kinakailangan nang dahil sa matinding init ng panahon.
Kaugnay nito ay patuloy rin na pinapayuhan ang lahat na uminom ng maraming tubig at palaging magdala ng mga panangga sa init tulad ng payong at sumbrero.