-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kabuuang P500-milyong para sa 88,175 na beneficiaries ang inilaan ng pamahalaan para sa lalawigan ng Aklan na ibibigay sa mga pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine dulot ng epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ipinaliwanag ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO)-Aklan head Evangeline Gallega, bahagi ito ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.

Magiging katuwang umano nila ang mga barangay official sa maayos na pag-distribute ng card form.

Ang mga card form aniya ay may security features at barcode at hindi ipinagbibili.

Makakatanggap ang mga target beneficiaries ng ayudang P6,000.

Dalawang buwang makakatanggap ng cash grant ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Nilinaw ni Gallega na ilan sa mga qualified na beneficiaries ay kasama sa low income family, mga drivers ng pampasaherong sasakyan, tindera, mga senior citizens, PWDs at iba pa.

Sa isang household ay isa lamang ang maaaring makatanggap ng ayuda.

Hindi umano kasama sa programa ang mga miyembro ng 4Ps.