Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na umabot na sa halos 900 ang mga nagawang oil spill boom para ma-contain ang mga tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Ayon sa OCD, ang mga nagawang spill boom ay sa pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at mga volunteers gamit ang mga nalikom na materyales.
Nasa 48 team ang nai-deploy sa ilang mga fabrication site sa Pampanga Lubao Bamboo Hub at Tarlac Modern Mechanized Forest Nursery. Ang mga ito ay nakagawa ng kabuuang 885 spill boom.
Dinala ang mga naturang spill boom sa mga probinsya na unang natukoy bilang high-risk katulad ng Bataan, Bulacan, at Pampanga para pigilan ang lalo pang pagkalat ng langis.
Samantala, iniulat naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mayroon itong alokasyon na 954 boxes ng mga oil absorbent pads sa DENR Calabarzon.
Una nang nananawagan ang pamahalaan ng mga donasyong materyales sa paggawa ng mga spill boom katulad ng balat ng niyog at mga buhok habang ilang mga volunteer na rin ang nag-alok ng tulong para rito.