-- Advertisements --

ILOILO CITY-Nagpahayag ng kanyang pagkadismaya si Antique Governor Rhodora Cadiao sa Department of Public and Highways Region 6 dahil sa usad-pagong na pagpatatayo ng bailey bridge sa nawasak na Paliwan Bridge na kumokonekta sa bayan ng Bugasong at Laua-an.

Matatandaan na nasira ang Paliwan Bridge nang nanalasa ang Bagyo Paeng noong Oktubre 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Governor Cadiao, sinabi nito na umasa siya na nasimulan na ang pagpapatayo ng pansamantalang tulay ngunit mas binigyan pa ng prayoridad ang bridge rechanneling.

Ayon kay Cadiao, makailang beses din itong nagpadala ng sulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan upang bigyan ng atensyon ang bailey bridge na pinabayaan nalang sa loob ng pitong buwan, ngunit wala itong natanggap na kasagutan.

Dagdag pa nito, naglaan ang national government ng P300-million na pondo para sa konstruksyon ng Paliwan Brdige na pinangako ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at gagawin itong twin bridge.

Kabilang din sa pondo ng Department of Budget and Management ay ang P15-Million para sa rechanneling.

Sa ngayon, naging alternatibong ruta ng mga mamamayan ay ang pag-gamit ng pumpboat upang makatawid sa magkabilang bayan.