VIGAN CITY – Kasong paglabag sa Section 4 ng Provincial Ordinance Number 15 -06 series of 2015 ang posibleng harapin ng tatlong negosyanteng magpupuslit sana ng karne ng baboy na nanggaling sa lalawigan ng Bulacan kung saan mayroong kumpirmadong kaso ng African swine fever (ASF) virus.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nahuli sa Barangay Catayagan, Sta. Lucia, Ilocos Sur kagabi ang tatlong negosyante na sina Neneth Santos, 38, na residente ng Upig, San Ildefonso, Bulacan na nagmaneho ng Toyota Hi-Ace Van kung saan isinakay ang aabot sa 700 kilo ng karne ng baboy, kasama sina Elizabeth Tomas, 54, may-asawa at residente ng Poblacion, Valencia, Bukidnon at Mark Jerome Igna, 37, may-asawa at residente ng Upig, San Ildefonso, Bulacan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Julian, Vigan City.
Patungong hilagang direksyon ang nasabing van kung saan nakalagay ang walong plastic drum na kinalalagyan ng karne ng baboy ngunit hindi ito tumigil sa quarantine checkpoint at hindi pina-inspeksyon ng mga nasabing negosyante ang kanilang karga kaya hinabol sila ng mga otoridad hanggang sa makarating sila sa nasabing barangay sa bayan ng Sta. Lucia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, kinumpirma ni Provincial Quarantine officer Martel Quitoriano na matagal na umano nilang minamanmanan ang grupo ng mga nahuling negosyante at labis nilang ikinatutuwa ang pagkakahuli ng mga ito.
Kinumpirma rin ni Quitoriano na ibabagsak sana ng mga nasabing negosyante ang mga nasabing karne sa lungsod ng Vigan para sa isang consignee na hindi pa nila pinapangalanan hanggang ngayon.