46% ng mga pamilyang Pilipino sa buong bansa o katumbas yan ng 12.9 milyong pamilya ang nagsabi na sila ay mahihirap.
Iyan ang lumabas sa 1st quarter 2024 survey na isinagawa noong Marso ng Social Weather Stations.
Sa 12.9 milyon na ito, 1.7 milyon ang nagdeklarang sila ay newly poor; ang 1.5 milyon naman ay usually poor; at ang 9.7 milyon naman ay nagsabing sila’y palaging mahirap.
Lumabas din sa naturang survey na 30% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing nasa kategorya sila ng borderline poor habang 23% naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Naitala ang pinakamataas na self-rated poverty sa Visayas na mayroong 64%, sinundan ito ng Mindanao na 56% habang sa Luzon naman ay 38%, at sa Metro Manila ay 33%.
Nakuha rin ng Visayas ang pinakamataas na porsyento ng mga pamilyang itinuturing na mahirap sila base sa pagkaing kanilang kinakain o tinatawag na food-poor families.
Nakapagtala ng 46% ang Visayas habang 44% naman sa Mindanao. Itinuturing din ng 28% ng mga pamilya sa Metro Manila na sila ay food-poor habang 24% naman sa Luzon.
Ang resultang ito ay hindi nalalayo sa resulta ng survey noong December 2023 kung saan 47% ng mga pamilyang Pilipino rin ang nagsabing sila’y mahihirap.