Itinuturing pa rin ng halos kalahati ng mga Pilipino ang kanilang sarili na mahirap base sa resulta ng isinagawang survey sa buong bansa ng Social Weather Stations noong unang bahagi ng Disyembre 2023.
Sa naturang survey, nasa 47% ng mga respondent ang itinuturing ang kanilang pamilya na mahirap o katumbas ito ng tinatayang 13 million pamilya.
Ito ay bahagyang bumaba sa 48% o 13.2 million pamilya na nagsabing mahirap ang knailang pamilya noong Setyembre 2023 at bumaba din mula sa 51% na naitala noong December 2022.
Maiuugnay ang bahagyang pagbaba ng mga nagsabing mahirap ang kanilang pamumuhay sa naobserbahang pagbaba sa Mindanao na nasa 61% mula sa 71% noong September na nag-rate sa kanilang sarili na mahirap.
Na-offset naman ito sa pagtaas ng bilang ng mga respondent na nagsabing mahirap sila sa Luzon mula sa 35% sa 39%.
Bahagya namang bumaba ang self-rated poverty sa Metro Manila mula sa 38% sa 37% at sa Visayas Region mula sa 59% sa 58%.