-- Advertisements --

Kumpiyansa ang halos kalahati ng mga Pilipino na gaganda pa ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na taon sa kabila ng umiiral pa ring coronavirus crisis.

Batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 44% ng mga Pinoy ang positibo ang pananaw sa kanilang buhay kahit may pandemya, habang siyam na porsyento lamang ang negatibo.

Samantala, 36% naman ang nagsabi na walang magbabago sa kanilang buhay, at 11% ang walang tugon.

Nagbigay ito ng net personal optimism score of +35, na 33 puntos na mas mataas kumpara sa +2 score sa survey noong Setyembre.

Gayunman, mababa pa rin ito sa +44 score na naitala noong Disyembre 2019, o tatlong buwan bago makaapekto ang pandemya sa bansa.

Paliwanag ng SWS, ang 33-point recovery sa national net personal optimism score ay dulot ng pagtaas sa lahat ng mga lugar na naitala noong Setyembre kung saan 48 points sa Mindanao, 39 points sa Visayas, 27 points sa Balance Luzon, at 25 points sa Metro Manila.

“In November 2020, net personal optimism is higher in Mindanao (excellent +40) and Balance Luzon (very high +39) than in Metro Manila (very high +30) and the Visayas (high +25),” saad nito.

“Among adults who belong to families who consider themselves as ‘Not Poor’, net personal optimism is very high +36. Similarly, the score is very high among the self-rated poor at +31,” pagbabahagi ng SWS.

“Meanwhile, among those at the borderline, the score is excellent +42,” dagdag nito.

Ang naturang survey ay isinagawa noong Nobyembre 21 hanggang 25 na gumamit ng face-to-face interview sa unang pagkakataon mula nang maranasan sa bansa ang COVID-19 pandemic.

Tinanong ang 1,500 adult Filipino respondents tungkol sa kanilang opinyon kung gaganda ba o sasama ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.