ROXAS CITY – Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) at Panitan Municipal Police Station ang halos kalahating milyon na halaga ng pinaniniwalaang shabu, sa tatlong katao, sa ikinasang drug buy bust operation sa Medalla Milagrosa National Housing Authority (NHA) sa Brgy. Timpas, Panitan, Capiz.
Kinilala ang mga nadakip na sina Harry Devera alyas “Bethol” Kent Francis Ortez alyas “Kenken” at Lorenzo Bustamante alyas “Renzo” sa legal na edad at mga residente ng Brgy. Concensia sa nasabing bayan.
Nakuha sa mga ito ang dalawampu’t apat na sachets ng shabu, cellphone, drug paraphernalia at .38 caliber revolver kay Devera.
Tinatayang nagkakahalaga ng P442,000 ang mga nakumpiskang droga at may bigat na animnapu’t limang gramo.
Sa ngayon, nakakulong ang mga ito sa nasabing presinto at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at karagdagang kaso na paglabag sa RA 10591 “Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act” para kay Devera.