VIGAN CITY – Kinumpirma ng Commission on Election (Comelec) na habang papalapit ang araw ng midterm election ngayong taon, parami nang parami ang mga kandidatong nagiging pasaway at halos lahat na sa kanila ay lumalabag na sa mga Comelec rules.
Ito ay kabaliktaran sa inaasahan ng Comelec na habang papalapit ang halalan at habang pinapaigting ng ahensya ang pagpapatupad ng iba’t ibang panuntunin ay tumitino sana ang mga ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na base sa rekord nila ay tila sinasadya ng mga kandidato ang lumabag sa kanilang mga panuntunin, lalo na sa paglalagay ng mga campaign posters sa mga hindi common posting area dahil nagiging agresibo na sila sa pangangampanya at pagpapakilala sa mga botante.
Dahil dito, binabaklas na lamang ang mga ito ng mga Comelec officers, kasama ng mga empleyado ng Department of Public Work and Highways (DPWH) ngunit idinodokumento muna ito nang sa gayon ay may hawak silang ebidensiya at attachment sa kanilang mga pinaplantsang kaso laban sa kanila.
Tiniyak naman nito na habang nagiging pasaway ang mga kandidato ay nagiging agresibo rin umano ang Comelec upang makahanap sila ng paraan para maparusahan ang mga ito dahil sa kanilang mga paglabag.