Nasa P1.3 million halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) sa ikinasang magkahiwalay buy-bust operations kahapon, Sabado sa Caloocan City.
Unang ikinasa ang buy-bust ng mga operatiba ng NPD Drug Enforcement Group bandang alas-5:00 ng hapon loob ng isang bahay sa Barangay 33, Maypajo, na nauwi sa pagkaka-aresto sa dalawang suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang sachet at isang plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakalahaga ng P667,000 o higit kalahating milyon.
Ikinasa naman ang ikalawang operasyon bandang alas-6:30 ng gabi sa may Kapak Street, Barangay 12.
Naaresto sa operasyon ang mga target na sina alyas “Biday” at “Jervy,” at dalawa pang iba.
Nakuha sa apat na suspek ang mga plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalagang P625,600.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Northern Police District (NPD).