LAOAG CITY – Tinatayang nasa P1 bilyon ang halaga ng pinsalang dulot ng Bagyong Julian dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Gov. Matthew Marcos Manotoc, batay sa Provincial Damage Report dahil sa Bagyong Julian, mahigit 600 milyong piso ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura habang umabot naman sa mahigit 350 milyong piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pamamahagi ng 799 food packs para sa mga residente mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Laoag na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Julian.
Ang bawat food pack ay nagkakahalaga ng tatlong libong piso kung saan mayroong kabuuang P2,397,000.
Kasama ni Pangulong Marcos na bumisita sa lalawigan, ay sina Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian, Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr., Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan, Department of Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. at Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines na si Gen. Romeo Brawner Jr.
Kaugnay nito, personal na tinignan ni Pangulong Marcos ang dike na nasira sa Brgy. Gabu Sur sa lungsod ng Laoag dahil sa epekto ng Bagyong Julian.
Paliwanag niya, dapat palitan ang disenyo at maayos na ilagay ang slope protection para mas malakas at hindi agad masira sakaling magkaroon ng sakuna.
Sa datos, 127,283 na indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Julian, 34,859 na pamilya, 369 na barangay, 2,276 ang inilikas, walong bahay ang totally damaged at 296 ang partially damaged.
Samantala, nagbigay naman ang Office of the President ng P100 milyon na tulong pinansyal para sa Provincial Government of Ilocos Norte.
Una rito, naideklara ang buong lalawigan ng Ilocos Norte sa ilalim ng State of Calamity dahil sa hagupit ng Bagyong Julian.