Apprubado na ng Pag-IBIG ang pagpondo sa 2,264 na housing units sa ilang mga lugar sa bansa.
Kabilang dito ang Pampanga, Manila, Misamis Oriental, at Davao City.
Inaprubahan ng naturang government-owned corporation ang hanggang P929 million na pondo na magagamit sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing or 4PH Program.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)Secretary Jose Rizalino L. Acuzar, ang naturang pondo ay magagamit para sa pagtatayo ng mga pabahay na magagamit ng mga informal settlers sa bansa.
Ito ay pagtugon aniya sa naunang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng mura ngunit kalidad na pabahay ang mga mahihirap na sektor, sa mga lugar na maayos at ligtas.
Sa ilalim ng bagong-apprubang pondo, itatayo ang hanggang 996 housing units sa San Fenando, Pampanga, 352 units sa Tondo, Manila, 416 units sa Tagoloan, Misamis Oriental, at 500 units sa Davao City.
Tiniyak naman ni Acuzar na nagpapatuloy ang ginagawang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang mas marami pang pabahay ang maitayo para sa mga mahihirap at nangangailangan. – GENESIS RACHO