CEBU – Patuloy na tinutugis ng National Bureau of Investigation (NBI-7) ang mga illegal refilling stations ng butane canisters sa Cebu.
Ito ang pahayag ng NBI-7 kasunod ng pagkakaaresto ng may-ari at ng machine operator ng butane canister sa hindi rehistradong gas refilling station sa Brgy. Cogon Pardo.
Nalaman ang naturang operasyon mula sa reklamo ng mga residente na malapit sa lugar. Napag-alaman na nagsusuplay ang naturang refilling station ng mga canisters sa Southern portion ng lalawigan kabilang na sa lungsod ng Talisay.
Umabot sa halos isang libong canisters ang magagawa umano ng naturang refillng station na binibenta ng mura kaysa mga canisters mula sa legal na refilling stations.
Una nang binigyang diin ni NBI-7 Regional Director Atty. Renan Oliva na sobrang delikado kung magkakaroon ng leak sa canister dahil kalimitan itong dahilan ng sunog dahil highly flammable.
Sa impormasyon ng NBI-7 sa mga operasyon na isinagawa ng ahensiya, ang naturang operasyon noong nakaraang araw ang pinakadelikado dahil sa quality ng mga canisters na nasakote.
Kabilang sa nasabat ng NBI-7 ang mga canisters, dalawang refilling machines isang tank cylinders na tinatayang nasa P1 million ang halaga.
Samantalang sinampahan na ng kaso ang mga naaresto.