BACOLOD CITY – Umaabot sa halos P1 milyon ang halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasabat ng mga otoridad sa magkahiwalay na anti-drug operations sa lungsod ng Bacolod.
Isa rito ay ang paghain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng search warrant sa bahay ni Rommel Diaz sa Barangay Estefania at nakumpiska ang P544,000 na halaga ng iligal na druga.
Ang subject ay residente ng Purok Sigay, Barangay 2 ngunit nagrerenta ng bahay sa Barangay Estefania.
Nakuha sa pag-iingat ni Diaz ang 80 grams ng shabu.
Ayon sa mga otoridad, nagsu-supply ng druga si Diaz sa Homesite, Barangay Montevista at kung minsan ay pumupunta sa kanyang bahay ang mga drug users.
Samantala, tinatayang nagkakahalaga naman ng P420,000 ang iligal na droga na nakumpiska ng Bacolod City Police Office-City Drug Enforcement Unit sa buybust operation na isinagawa sa Sitio Sibucao, Brgy. Banago.
Kinilala ang subject na si Ronaldo Bernabe, 36-anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Maliban kay Bernabe na isang high value target, nahuli rin si Ma. Christina Aguia, 32-anyos ng Purok Paglaum, Brgy. Bato, Sagay City, Negros Occidental.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang kabuuang 35 grams ng shabu.
Sa ngayon, inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa umano’y drug personalities.