CEBU CITY – Halos umabot ng P12 million ang halaga ng iligal na droga ang nasabat ng pulisya sa kanilang isinagawang anti-illegal drug operation mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4 nitong taon.
Sa nasabing mga operasyon, umabot sa 1.7 kilos na mga iligal na droga ang nakumpiska at nasa 58 na mga drug suspect ang kanilang naaresto.
Inihayag ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, ang director ng Cebu City Police Office, na sa isang linggong operasyon, pinakamalaking droga na kanilang nahakot ay naisagawa noong Disyembre 3 kung saan umabot sa isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 million sa Barangay Tejero, lungsod ng Cebu.
Nilinaw rin ni Col. Dalogdog na walang naitalang namatay sa mga nasabing anti-illegal drug operations.
Habang, sa kanila namang manhunt operation, umabot sa 34 na mga most wanted persons ang kanilang naaresto at nasa 12 armas, 7 explosives ang kanilang nasabat.
Sa pamumuno ngayon ni Police Regional Office 7 Police Brigadier General Roderick Augustus Alba ay binigyan nito ng 92-day challenge ang pulisya sa pagsumpo ng mga iba’t ibang krimen, kasama na rito ang mas mahigpit na mga anti-illegal drug operation.