BAGUIO CITY – Binunot at sinunog ng pinagsamang puwersa ng Kalinga Provincial Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera ang libu-libong piraso ng mga marijuana plants na nagkakahalaga ng P13.96-milyon sa kabundukan ng Bugnay, Tinglayan, Kalinga.
Resulta ito ng tatlong araw na implementasyon ng OPLAN 17 Quebec Jolly Green na nagsimula noong Biyernes at nagtapos nitong Linggo kung saan nadiskubre ang mga iligal na pananim sa anim na plantation sites na may lawak na 4,000 square meters.
Aabot naman sa 68,800 na mga fully-grown marijuana plants ang binunot at sinunog ng mga operatiba.
Gayunman, walang marijuana cultivator na nahuli sa nasabing operasyon.
Samantala, kinumpiska ng mga operatiba ng PDEA-Mountain Province ang 17 piraso ng marijuana bricks na nagkakahalaga ng higit P2-milyon na nakalagay sa isang kahon na natuklasan ng mga ito sa isang waiting shed sa Samoki, Bontoc, Mountain Province nitong Linggo.
Sa report ng PDEA-Cordillera, matagal na hinintay ng mga operatiba kung may darating na kukuha sa nasabing kahon hanggang sa binuksan nila ito at doon na nadiskobre ang lamang mga marijuana bricks.
Dahil dito, iniimbestigahan na nila ngayon ang “drop-pick up” scheme bilang bagong modus ng pagbiyahe ng mga marijuana bricks ngayong pandemya kung saan limitado ang mobilization at mga biyahe.