Aabot sa P170 million tax liability ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Reyna Lobitaña Apolinario, tumatayong corporate secretary at asawa ng may-ari ng Kabus Padatoon Community International Inc. (KAPA) na si Pastor Joel Apolinario.
Ayon sa BIR, bigo umano si Reyna na bayaran ang kanyang buwis at nagbigay din daw ng maling impormasyon sa kanyang tax noong 2017 at 2018.
Lumalabas na hindi rin nagbayad ng kanyang income tax return (ITR) si Reyna noong taong 2012 at 2015 at nag-file lamang ng ITR noong 2016.
Ang kanyang idineklarang income noon ay P20,657,800 lamang at noong 2017 daw ay P11,711,000 habang P12.06 million naman noong nakaraang taon.
Ayon pa sa BIR noong 2018, ang declared beginning capital ni Reyna sa kanyang audited financial statements ay lomobo pa sa P306.90 million.
Mayroon siyang undeclared sources of income na nagkakahalaga ng P307.70 million para sa taong 2017.
Kabilang dito ang cash, P140 million na halaga ng luxury vehicles, P27.60 million halaga ng heavy equipment, P65.70 million ng mga real properties at P45.10 million para sa iba pang mga assets at investments.
Natuklasan naman ng Land Transportation Office (LTO), na noong 2017 at 2018, siyam na sasakyan ang hindi deklarado sa financial statements ni Reyna na kanyang isinumite sa BIR.
Base sa impormasyon mula sa BIR Integrated Tax System (ITS) mayroon ding 13 negosyo si Reyna sa ilalim ng kanyang pangalan kabilang na ang retail-construction materials/garments/metals, gasoline stations at convenience stores, computer at printing services, quarry, convention center fishing boat, bakeshop & refreshment, media & marketing network at hotel.
Dahil dito sinabi pa ng BIR na aabot umano ang income tax liability ni Reyna sa P168.2 million, inclusive rito ang surcharges at interests.
Ayon pa sa BIR, paglabag ito sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997.
“The Bureau of Internal Revenue (BIR) today filed a criminal complaint with the Department of Justice (DOJ) against REYNA LOBITAÑA APOLINARIO (REYNA) for Wilful Attempt to Evade or Defeat Tax and Failure to File Return, Supply Correct and Accurate Information, Pay Tax, Withhold and Remit Tax and Refund Excess Taxes Withheld on Compensation for taxable years 2017-2018, all in violation of Sections 254 and 255 of the National Internal Revenue Code of 1997, as amended (Tax Code),” bahagi ng statement ng BIR na binasa ni Deputy Commissioner Marissa Cabreros.
Ang kaso laban kay Reyna Lobitaña Apolinario ay pang-497 na naisampa sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) program ng BIR sa pamumuno ni Commissioner Caesar Dulay.
Samantala, muli namang nagpalabas nang babala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Kabus Padatoon.
Ito ay kaugnay sa disinformation campaign umano ng non-stock at independent religious corporation na inaakusahang nagpapatakbo ng fraudulent investment scheme sa Mindanao at sa iba pang mga lugar sa Pilipinas.
Batay sa ipinalabas na statement ng SEC, naka-monitor sila sa mga pekeng impormasyon at false claims na ipinapakalat ng KAPA sa social media pati na sa radyo na na-secure na umano nila ang necessary licenses upang sila ang makapag-resume ng operasyon.
Binigyang diin ng SEC na walang katotohanan ang mga ipinapahayag ng KAPA lalo na ng mga frontliners nito sa social media at radyo na makakabalik ang kanilang operasyon at binalaang mananagot ang mga ito sa batas.
Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay National Bureau of Investigation (NBI-12) Director Olivo Ramos, nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon sa mga kasong kinakaharap ng founder ng KAPA na si Pastor Apolinario at CEO na si Reyna na nagtatago pa rin sa batas hanggang sa ngayon.
Inaasahan na rin sa mga susunod na araw ang posibleng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado.
Kung maaalala mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa NBI at CIDG na crackdown sa mga tanggapan ng KAPA dahil sa umano’y “continuing crime” bunsod na ang gawain ng mga ito ay maituturing na Ponzi scheme o investment scam.
Ang SEC at AMLC ay nauna na ring inilagay sa freeze order ang P100 million ni Apolinario at mga assets nito.
Ang lower court sa Davao ay nagpalabas na rin ng hold departure order laban sa mga opisyal ng Kabus Padatoon.