-- Advertisements --
image 373

Kabuuang P17.7 billion ngayon ang inilaang pondo para sa Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) ng pamahalaan.

Ayon kay Department of Budget and Management Sec. Amenah Pangandaman, ang naturang halaga ay mas mataas ng P602 million kumpara sa P17.087 billion na pondo noong nakaraang taon.

Binigyang diin naman ni Pangandaman ang kahalagahan ng pagbibigay ng pondo para suportahan ang vital infrastructure projects.

Nagsisilbi raw itong backbone ng ekonomiya ng bansa.

Aniya, ang dagdag na pondo ay alinsunod na rin ito sa mga naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang infrastructure development ay isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon.

Kaya naman buo raw ang suporta rito ng DBM para maisakatuparan ang pagnanais ng Pangulong Marcos.

Tiniyak din ng opisyal na ang ilang infrastructure projects sa buong bansa ay mayroong karampatang pondo para suportahan ang Build, Better, More program.

Ipinunto pa ni Pangandaman na ang “mobility” at “connectivity” ay vital components sa tourism development.

Paliwanag pa niya, marami raw magagandang lugar ang matatagpuan sa Pilipinas pero paano maaakit ang mga turista kapag walang transport infrastructure para dalhin ang mga ito sa kanilang mga destinasyon.

Ang Tourism Road Infrastructure Program ay convergence initiative ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Tourism (DoT).

Kasama rin sa budgetary allocation ang National Tourism Development Plan ng Department of Tourism.

Sa ilalim ng 2023 national budget, ang P17.689 billion budget ay ilalaan sa mga tourism infrastructure projects sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Caraga Region.

Kung maalala, sa kanyang unang State of the Nation Address, sinabi ni Marcos na kailangang magkaroon ang bansa ng mas maraming international airports at road improvements para makaakit pa ng mas maraming bisita at ma-fast-track ang tourism recovery.

Noong, 2019, nakapagbigay ang tourism industry ng 5.7 million jobs at katumbas ito ng 13.6 percent ng total employment ng bansa sa naturang period.