DAVAO CITY – Tinatayang aabot ng P179.45-milyon ang halaga ng mga imported na sigarilyo na nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC)-Port of Davao sa kanilang anti-smuggling campaign.
Batay sa intelligence report, ibinunyag ng BoC-Port of Davao na ang naturang halaga ay nagmula sa kanilang 12 apprehensions ng mga imported na sigarilyo kung saan tig-aapat nito ay isinagawa sa mga pantalan ng Davao City, sub-port ng General Santos City at sub-port ng Parang, Maguindanao.
Sa kanyang statement, inihayag ni Customs Davao District Collector, Atty. Erastus Sandino Austria, ito ay resulta ng mas pinaigting na patrol at surveilance sa kanilang X-ray Inspection Project (XIP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement Security Service (ESS) upang masiguro na ang mga kontrabando at iba pang illegal na mga kargamento kasali na ang mga sigarilyo ay kaagad na mahuli at masampahan ng kaso ang mga consignee at ang nasalikod nito.
Nagpalabas na rin umano si District Collector Austria ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) dahil sa paglabag sa Executive Order No. 245 “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products”, Graphic Health Warnings (GHW) Law o ang R.A. 10643, o mas kilala bilang “An Act to Effectively Instill Health Consciousness through Graphic Health Warning on Tobacco Products.” at section 117 ng R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.