Aabot sa halos Php2 million ang ipinagkaloob na monetary reward ng Philippine National Police para sa kanilang 10 informants na naging katuwang ng kapulisan sa pag-aresto sa ilang mga wanted person sa bansa.
Nabatid na ang 10 tipster na binigyan ng pabuya ng PNP ay ang mga naging daan para maaresto ng mga otoridad ang 11 indibiwal na kabilang sa mga most wanted person sa Pilipinas na pawang kumakaharap sa mga kasong may kaugnayan sa murder, rape, robbery, at carnapping.
Sa ginanap simpleng awarding ceremony sa Kampo Crame ay pinangunahan ni PNP Director for Intelligence PBGEN Westrimundo Obinque ang pagbibigay ng gating pala para sa naturang mga indibidwal na nakasuot ng mask para sa proteksyon ng kanilang pagkakakilanlan.
Kaugnay nito ay sinabi ni Obinque na ang programang ito na pagbibigay ng pabuya ng PNP para sa kanilang impormante ay pagkilala sa katapangan ng mga ito na at maging sa kanilang naging mahalagang papel sa pagtataguyod ng law and order sa buong Pilipinas.
Ang inisyatibang ito ay nagpapakita lamang ng dedikasyon ng Pambansang Pulisya na makipagtulungan sa taumbayan para tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng bansa.
Kasabay nito ay muli namang hinikayat ng naturang opisyal ang komunidad na makikiisa rin sa mga otoridad sa pagtugon sa mga security-related threats at kriminalidad sa buong Pilipinas.