-- Advertisements --

CEBU CITY – Humigit-kumulang 30 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P190.4 million ang nasamsam sa magkasunod na drug bust ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Central Visayas sa Barangay Inayawan, Cebu City at sa Barangay Casili, bayan ng Consolacion, hilagang bahagi ng Cebu kaninang madaling araw.

Isinagawa ang unang operasyon sa Fatima Homes ng Barangay Inayawan kaninang ala-1:30 ng mdaling araw kung saan 18 kilo ng shabu ang nakuha ng mga otoridad.

Arestado sa nasabing operasyon ang isang Elimar Ancajas, 24-anyos, na naging daan para matunton ng mga pulis ang “source” nitong si Jocelyn Encila sa Consolacion.

Nagawa pa ni Encila na makipag-transact sa pagbebenta ng shabu at makipagpalitan ng mensahe sa isang pulis na poseur buyer, habang ito’y maysakit at naka-confine sa ospital ng nasabing bayan.

Inatasan nito ang “buyer” na dumirieso sa kanyang bahay sa Green Valley Subdivision kung saan mga magulang nito mismo na sina Marcial Encila, 60, at Marilyn Encila, 51, ang nag-abot ng shabu sa poseur buyer pasado alas-3:00 ng madaling-araw.

Sa ngayon, naka-hospital arrest si Jocelyn habang ang mga magulang nito ay dinala sa Lungsod ng Cebu.