Aabot sa mahigit P23.5-milyong halaga ng party drugs na kilala rin bilang ecstacy ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-NAIA (BOC-NAIA) mula sa iba’t ibang kargamento matapos na ideklara itong “Kids Toys” at “Coffee”.
Ayon sa BOC, umabot sa halos 14,000 tableta ang natuklasang nakatago sa pitong package.
Pinadala ang mga kape at laruan sa pamamagitan ng Central Mail Exchange Center (CMEC) warehouse sa Pasay City.
Isinailalim naman ito sa 100% physical examination kung kaya’t nabuking na ecstasy pala ang laman ng mga ito.
Mula sa Netherlands at Belgium ang nasabing mga kontrabando.
Itinurn-over naman ang naturang mga ipinagbabawal na gamot sa pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang mga importers at iba pang sangkot dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.