-- Advertisements --

Tinatayang aabot na sa P3 bilyon ang nagagastos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang operasyon laban sa mga teroristang Maute sa Marawi City.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, batay sa datos na nakarating sa kaniya mula sa hanay ng Philippine Army, nakapagtala ito ng P1.3 bilyon na gastos sa kanilang operasyon sa Marawi na magta-tatlong buwan na.

Hindi pa aniya kasama rito ang gastos ng Philippine Air Force at Philippine Marines.

Dagdag ng kalihim na kanilang hihilingin sa Kongreso na palitan o i-replenish ang kanilang nagastos dahil kinuha lamang nila ang nasabing funds na nakalaan sana para sa ibang proyekto.

Pahayag ni Lorenzana, kanila munang ginastos ang pera na nakalaan sana para sa bibilhing mga kagamitan gaya ng bullet proof vest, helmet, night vision goggles at mga bala.

Giit ng kalihim, wala silang magawa dahil kulang sila sa pondo ngunit kailangan nilang i-sustain ang operasyon sa Marawi.

Sa kabilang dako, hiling din ng AFP sa Congress na dagdagan ang kanilang budget para sa pagbili ng mga kagamitan lalo na para sa intelligence gathering.

Ilan sa planong bilhin ng Department of National Defense (DND)ay equipment na may facial recognition at drones na puwedeng magamit sa araw at gabi.

Naniniwala kasi si Lorenzana na kailangan palakasin ng AFP ang kanilang human intelligence kaya kailangan bumili ng mga kagamitan.