BAGUIO CITY – Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga kinauukulan sa Benguet pagkatapos matuklasan ang ilang marijuana plantation sites sa lalawigan.
Una rito, aabot sa halos P3 million na halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng mga awtoridad sa magkahiwalay na marijuana eradication sa bayan ng Sablan at La Trinidad, Benguet.
Sinira ng mga kasapi ng Sablan Municipal Police Station at PDEA-Cordillera ang P2.38 million na halaga ng marijuana sa apat na lugar sa Taleb, Banangan, Sablan, Benguet.
Natuklasan naman ng mga kasapi ng La Trinidad Municipal Police Station ang P550,000 na halaga ng marijuana sa Wangal, La Trinidad, Benguet na nagresulta sa pagsira sa mga ipinagbabawal na tanim.
Ayon sa pulisya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may natuklasan marijuana plantation sites sa mga nasabing bayan sa Benguet.
Bigo ang mga awtoridad na makahuli ng marijuana cultivator.